MANILA, Philippines - Isang abogado at dalawang pekeng ahente ng Presidential Anti Smuggling Group (PASG) ang kinasuhan ng estafa matapos umanong mangikil ng malaking halaga mula sa isang negosyante sa Binondo, Manila.
Kinasuhan sa Manila Prosecutors Office sina Johnny Tan, Atty. Manuel Quijano at George Cruz, na naninirahan sa Subic Bay Freeport Zone. Nakakulong na sina Tan at Quijano sa National Bureau of Investigation detention cell habang nakalalaya pa si Cruz.
Pinasalamatan naman ni Undersecretary Antonio “Bebot” A. Villar Jr. ang GMA-7 anti-crime program na “Imbestigador” ni Mike Enriquez sa pagbubulgar sa modus operandi ng mga suspect.
Nabatid kay Villar na inilapit ng negosyanteng si Romeo Calderon ang kanyang karanasan sa “Imbestigador” matapos makaramdam na kinukuwartahan lang siya ng mga suspect.
Ayon kay Calderon, nagpakilala sina Tan at Cruz bilang ahente ng PASG at sinabihan siya na nagwagi sila sa bidding ng nasamsam na tela sa PASG warehouse sa Subic.
Inalok nila ang nasabing tela kay Calderon, na mayroong tailoring company, at humingi sa kanya ng P100,000 processing fee.
Humingi pa ang mga suspect ng dagdag na P250,000 para sa processing at panibagong P250,000 para sa delivery.
Nang makaramdam na siya’y naloko, humingi ng tulong si Calderon sa “Imbestigador”. Sa tulong ng NBI, nadiskubre kay PASG-Task Force Subic Chief of Staff P/SSupt. Manuel Obrera na hindi konektado ang mga suspect sa PASG.
Ikinasa ang entrapment operation sa Pancake House sa Juan Luna St. sa Binondo kung saan naaresto ang mga suspect matapos tumanggap ng marked money.