MANILA, Philippines - Sinuportahan kahapon ng militanteng grupong Kilusang Mayo Uno ang adhikain ni Hermogenes “Jun” Ebdane Jr., presidential bet ng Partido ng Manggagawa at Magsasaka, na bigyan ng proteksiyon ang mga karapatan at interes ng mga ordinaryong manggagawa.
Ngunit nilinaw ni KMU executive vice president Joselito “Lito” Ustarez na hindi sinusuportahan ng KMU ang kandidatura ni Ebdane.
Bagkus, ang kanyang agenda para sa mga manggagawa kung siya’y mananalo bilang pangulo ng bansa ang kanilang sinusuportahan.
“Maganda ang konsepto, idea ng living wage, maganda ito para sa mga manggagawa. In fact, ito yung matagal na naming itinutulak na maisabatas,” wika ni Ustarez.
Idinagdag ni Ustarez na “Ang living wage, kung saan hindi isyu kung magkano ang dapat kitain ng bawat indibidwal sa isang araw, ay magsisiguro na ang bawat pamilya ay kakain tatlong beses sa isang araw, makakapag-aral ang mga bata, maipapagamot ang bawat miyembro ng pamilya kung sila ay may sakit, makabibili sila ng maayos na damit at paminsan-minsan makakapamasyal ang bawat pamilya.”
Pinuri din niya ang plano ni Ebdane na palakasin ang unyonismo dahil aniya nawawala na ito dahil sa “contractualization”.
Hiniling ni Ustarez kay Ebdane na iplano na niya kung paano niya ipapatupad ang kanyang mga prog rama upang isulong ang interes ng mga manggagawa.
Inaasahan na magpa-file ng kanyang kandidatura si Ebdane sa Disyembre 1. Ang kanyang running mate at mga kandidato para senador ay ihahayag sa Nob. 29 sa UP Bahay ng Alumni. (Butch Quejada)