MANILA, Philippines - Kung may nais hilingin, kailangan nang maghanda ang sinuman ng kanilang naisin o hiling dahil uulan ng bulalakaw ngayong Martes, Nobyembre 17, at Miyerkules, Nobyembre 18 sa Asya kasama na ang Pilipinas gayundin sa Europa.
Sa Pilipinas, makikita ito ng mga taga-Luzon particular ng mga taga Metro Manila pero hindi makikita ng mga taga-Visayas at Mindanao dahil makakaranas dito ng mga pag uulan bunsod ng epekto ng intertropical convergence zone.
Sinabi ni Director Prisco Nilo ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration na ang pag ulan ng mga bulalakaw na kilala sa tawag na “Leonids” ay makikita sa pagitan ng alas-11:00 ng gabi ng Martes hanggang alas-6:00 ng umaga ng Miyerkules.
Anya aabutin ng 100 bulalakaw kada oras ang makikita sa kalangitan at mistulang nag-aapoy na maliliit na bola at unti unting matutunaw habang bumabagsak pababa mula sa kalawakan. (Angie dela Cruz)