MANILA, Philippines - Matapos irekomenda noong nakaraang linggo ni Senator Richard Gordon na kasuhan sina Rodolfo Noel “Jun” Lozada at Jose de Venecia III kaugnay sa National Broadband Network-ZTE deal, sinabi kahapon ng senador na maari namang maging state witness ang dalawa.
Muling nilinaw ni Gordon na hindi maiikonsiderang whistleblowers sina De Venecia at Lozada dahil sa kanilang naging papel sa maanomalyang kontrata kahit hindi pa ito natuloy.
Ayon kay Gordon, dapat makilatis ang kaibahan ng state witness at whistleblowers dahil ang huli ay walang direktang partisipasyon sa krimen.
Bagaman iginiit ni Gordon na maaring kuning state witness sina Lozada at De Venecia, hindi aniya dapat malibre ang dalawa sa kanilang naging partisipasyon sa NBN-ZTE deal. (Malou Escudero)