MANILA, Philippines - Natagpuan na ng mga awtoridad ang katawan ng school principal na hinihinalang pinugutan ng bandidong Abu Sayyaff, limang araw matapos maunang makita ang kanyang ulo malapit sa police station sa bayan ng Jolo, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay Chief Supt. Leonardo Espina, PNP spokesman, ang katawan ni Gabriel Canizares ay narekober sa Sitio Kanjalah, Barangay Maligay Patikul, Sulu ganap na alas-3 kamakalawa ng hapon.
Nakita ang katawan ng biktima sa pamamagitan ng intelligence information at mga tips mula sa sibilyan na nagturo sa kinaroroonan nito.
Ang katawan ay agad dinala ng tropa ni Patikul Police Chief Inspector Francisco Panisan, sa Chinese Cemetery sa Sulu kung saan inilibing ang ulo nito noong Huwebes.
Lunes ng nakaraang linggo nang makita ang ulo ni Canizares sa gilid ng gasoline station sa Jolo.
Si Canizares ay dinukot ng hinihinalang miyembro ng Sayyaf sa bayan ng Patikul noong October 19 at pinugutan matapos mabigo ang pamilya nito na magbayad ng P2 milyong ransom. (Ricky Tulipat)