MANILA, Philippines - Kung hindi kayang ipa kalaboso ng gobyerno ang mga nagnanakaw ng milyun-milyong halaga sa bakuran nito, patawan na lang sila ng nararapat na buwis.
Ito ang pinakamainam na solusyon, ayon sa businessman na si Joey de Venecia III, upang mapunan ang umano’y kakulangan sa mga pondo ng gobyerno.
Aniya, kung hindi rin lang kaya ng pamahalaan na ipakulong ang mga katulad ni Jocjoc Bolante, Ben Abalos at kung sinu-sino pang mga “kurakot” sa gobyerno, mas makabubuting patawan na lang sila ng mga kaukulang bayaring buwis.
Ayon kay Joey, bagsak ngayong taon ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue, gayundin ng Bureau of Customs, dahilan upang magkaroon ng malaking budget deficit ang pamahalaan. Ito rin, ayon kay Joey ang dahilan ng pagbibitiw ni Sixto Esquivias IV bilang pinuno ng BIR dahil sa matinding kahihiyang sinapit ng kanyang departamento.
Nabatid ng batang De Venecia na taun-taon ay umaabot sa P200 bilyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno dahil sa korapsyon. Ito ay base sa report na ipinalabas ng World Bank. (Butch Quejada)