Mundo ng Pinoy titigil uli

MANILA, Philippines - Inaasahang muling ti­tigil ang mundo ng mga Pinoy sa pinakaa­aba­ngang boxing match ng ring icon ng Pilipinas na si Manny “Pacman” Pac­quiao at Puerto Rican boxer Miguel Cotto sa Las Vegas, Neva­da ngayong Linggo ng uma­ga (Sa­bado ng gabi sa US).

Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., tat­ long pasilidad ng AFP sa Camp Aguinaldo ang ka­nilang inihahanda upang magsi­silbing venue ng libreng panonood ng mga sundalo at ng kanilang mga pamilya sa laban na tinawag na “Fire Power.” 

Sinabi ni Brawner na buo ang suporta nila kay Pacman dahilan isa itong reservist ng Philippine Army sa ranggong Master Sergeant.

Samantala sa Camp Crame, ang Multi-Purpose Hall Center ay mayroon nang mga tarpaulin ng Pac­quiao-Cotto match na mag­sisilbi namang venue ng PNP para sa kanilang mga pulis na nais makapanood ng boxing match.

Ang dalawang mahu­say na boksingero ay mag­lalaban sa kauna-unahang World Boxing Council (WBC) diamond belt na gawa sa Mexico City na may 18 carat gold bukod pa sa 800 diya­mante, emeralds, rubies at 150 batong Swarovsky.

Sa mga kampo ng mi­litar sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay pahihin­tulutan rin ang mga sun­dalo na ma­nood pan­samantala ng boxing bout nina Pacman at Cotto o ang ‘unilateral ceasefire’ pero sa kabila nito ay nakaalerto pa rin sa posibleng pag-atake ng mga rebeldeng grupo. (Joy Cantos)

Show comments