MANILA, Philippines - Ihahayag na sa susunod na linggo ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang opisyal niyang magiging running mate sa halalang pampanguluhan sa 2010.
Sinabi ni Teodoro sa isang panayam kasabay ng pagdiriwang ng ika–70 taong anibersaryo ng Department of National Defense na malalaman na ng taumbayan sa susunod na linggo kung sino sa hanay ng mga contenders ang kaniyang kandidatong bise presidente.
Kabilang sa mga pinagpipilian ng maka-administrasyong Lakas-Kampi-CMD para sa running mate ni Teodoro sina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Tourism Secretary Ace Du rano at Senadora Loren Legarda.
Ang tatlo ang siyang matunog na pinagpipilian ng ruling party para maging ka-tandem ni Gibo sa 2010 polls na itatapat naman sa pambato ng oposisyon.
Una nang umatras sa vice presidential race ang dating lumutang na running mate ni Teodoro na si Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na nagsabing isinasantabi muna niya ang pulitika bunga ng mga nangyaring kalamidad sa grabeng epekto sa mamayan ng magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng.
Ipinahiwatig naman ng Kalihim na may napipisil na siyang running mate bagaman tumanggi munang tukuyin ito.
Nitong Sabado ay sinabi ni Teodoro na magbibitiw na siya sa puwesto sa loob ng linggong ito o sa Nobyembre 15 kung saan itinakda ang turnover sa darating na Nobyembre 16 sa araw ng Lunes.
Tumanggi rin ang Kalihim na tukuyin kung sino ang kaniyang magiging successor sa Defense portfolio sa pagsasabing ipauubaya na niya ito sa mga opisyal ng palasyo ng Malacañang.