MANILA, Philippines - Apat na mangingisdang Pinoy na na-stranded ng apat na araw sa gitna ng karagatan ang nasagip ng isang Chinese cargo vessel.
Base sa report, sinabi ni Wang Baoquan, kapitan ng barkong Heng Sheng Men na habang patungo sila sa China mula India ay naispatan nila dakong alas-10 ng umaga noong Nobyembre 5 ang mga mangingisdang Pinoy habang palutang-lutang sa karagatan.
Lumubog ang bangka ng mga Pinoy noong Nobyembre 1 nang maka-engkuwentro ang malalakas na hangin at matataas na alon bunga ng bagyong Santi. Pinalad namang nakahawak ang apat sa mga nakalutang na mga pira-pirasong bahagi ng nawasak na bangka.
Hinang-hina na ang kanilang katawan nang suwerteng makita ang paparating na Chinese vessel kaya agad nilang kinawayan at mabilis naman silang nasagip. Nasa maayos na kalagayan na ang apat. (Ellen Fernando)