MANILA, Philippines - Tahasang kinondena ng mga kaanak ng mga biktima ng paglubog ng MV Princess of the Stars ang desisyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) na pahintulutang bumiyahe ang isa sa mga barko ng Sulpicio Lines.
Sinugod ng mga kaanak ang tanggapan ng Marina para tutulan ang pagpapabiyahe sa MV Princess of the South na tulad ng sa Princess of the Stars ay pag-aari din ng nasabing kumpanya.
Nauna rito, pinahintulutan ni Marina Administrator Ma. Elena Bautista ang paglalayag muli sa karagatan ng Princess of the South.
Nang lumubog ang “Princess” noong Hunyo 21, 2008 na ikinasawi ng maraming pasahero, agad na sinuspinde ng Marina ang operasyon ng lahat ng barkong pampasahero ng Sulpicio. Dalawa sa mga barko nito ay pinabiyahe noong huling bahagi ng nakaraang taon pero kapwa pangkargamento ang mga ito.
Pinuna ng mga kaanak ng mga biktima na hindi pa nakakasunod nang ganap ang mga pampasaherong barko ng Sulpicio sa mga safety requirements na hinihingi rito ng Marina.
Idinagdag pa nila na, kahit hindi pa naiiahon mula sa ilalim ng karagatan ng Sibuyan Island ang Princess of the Stars, tila nagmamadali ang liderato na payagan nang makabiyahe ang ibang mga pampasaherong barko ng Sulpicio.
Nabatid na pinormalisa ng United Filipino Seafarers sa pangunguna ng pangulo nitong si Nelson Ramirez ang pagsasampa ng reklamo sa pamamagitan ng isang sulat sa Marina Board para kuwestyunin ang naturang desisyon ni Bautista.
Una nang sinampahan ng mga kamag-anak ng biktima ng kasong kriminal at administratibo ang pamunuan ng Sulpicio at kasalukuyan pang nakabinbin sa Marina.
Magugunita na may 800 pasahero ang namatay ng lumubog ang MV Princess sa Sibuyan Island sa Romblon habang nasa kasagsagan ng bagyong Frank. (May ulat ni Gemma Garcia)