MANILA, Philippines - Nagpasaklolo kahapon sa pamahalaan ang mga magsasaka sa Davao del Norte dahil sa umano’y pagsabotahe sa industriya ng saging sa pamamagitan ng pagbabawal sa aerial spraying sa mga plantasyon.
Kasabay nito, tinuligsa ng mga religious groups sa Davao del Norte ang patuloy na pagsuporta ng ilang Katolikong pari sa non-government organization na “Mamamayan Ayaw sa Aerial Spraying” (MAAS) na nagpapakalat ng mali at walang batayang impor masyon hinggil sa aerial spraying sa mga plantasyon sa nasabing lalawigan.
Maraming bilang ng Gagmayang Kristohanong Katilingban o Basic Christian Communities ng simbahang Romano Katoliko ang pumupuna kung bakit pinakikinggan ng ilang kaparian ang nasabing NGO samantalang mali naman sa katotohanan ang kanilang sinasabi.
“Where is their (priests) sense of discernment?” tanong ni Lilia Mosqueda ng GKK sa naibabalitang anim na buwang byahe sa National Capital Region ng mga miyembro ng MAAS na inayudahan ng National Task Force Against Aerial Spray. Ang mga ito daw ay wala namang alam tungkol sa saging o di man lamang nakakita ng banana plantation.
Ayon sa mga nagrereklamo, sa isang compound umano ng kaparian sa Manila nanunuluyan ang naturang NGO. Sa tuwing nagsasagawa sila ng mga lightning rally ay nanggagaling sila dito at dito din bumabalik. Ayon sa GKK, patuloy na itinatago ng MAAS ang tunay nitong layunin.
Bakit daw kailangang kandiliin (patirahin at pakainin) ng simbahan ang naturang NGO samantalang ito naman ay ‘well funded’ ng ilang charitable Dutch agencies na siyang nagpopondo laban sa Philippine banana industry.
Ito ay ayon sa isang miyembro ng women’s support group na Damayan na nakabase sa Ultrect, Netherlands. Dinagdag pa nito na malamang ay di rin alam ng mga charitable Dutch donors na ang pondo o humanitarian aid nila ay ginagamit na lamang sa pagkontra sa banana industries at pagsusulong sa pansariling economic interest.
Ayon kay Barangay Captain Romulo C. Tubal ng Dacudao, Calinan ang mga pekeng miyembro ng NGO ay walang alam sa kanilang barangay at walang alam sa realidad. Hindi sila tagapagsalita ng mas nakararami na araw-araw ay nakakasubaybay sa “good agricultural practices” sa banana industry.
“Kami ang mas nakakaalam dahil sa 30-taon na actual experience sa epekto ng low-dose fungicide sa kalusugan at kapaligiran…hindi siya nakasasama dahil mas mahina pa ito sa asin, kape o sabong panlaba, taliwas sa kanilang maling sinasabi na ito ay isang mataas na uri ng insecticides.
Ayon pa kay Tubal, sinasadya ng NGO ang paggamit sa katagang pesticide dahil ito ay iniuugnay ng mga taga kamaynilaan bilang insecticide na masama sa katawan ng tao. (Butch Quejada)