MANILA, Philippines - Tinatanggap ng Malacañang ang alok na tulong ng Moro Islamic Liberation Front sa paglutas sa pag dukot sa Irish priest na si Fr. Michael Sinnot.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman at Press Undersecretary Anthony Golez na, kung sinsero ang alok na tulong ng MILF, ‘welcome’ ito sa Palasyo upang makalaya ang nasabing pari na dinukot sa Pagadian City.
Ayon kay Golez, malaking tulong din ang alok ng MILF upang mahikayat ang sinasabing may hawak sa pari na palayain ito nang hindi magbabayad ng hinihinging $2 milyong ransom.
Tiniyak din ni Golez na ginagawa ng local crisis ma nagement committee ang lahat ng makakaya upang ligtas na mapalaya si Fr. Sinnot.
Sinasabing isang alyas Kumander Abu Jayad ang may hawak sa nasabing pari subalit mariing itinanggi ng pamunuan ng MILF na tauhan nila ang nasabing abductor ni Fr. Sinnot. (Rudy Andal at Doris Franche)