MANILA, Philippines - Tulad ng inaasahan, dinagsa ng milyong tao ang Manila North Cemetery para dumalaw sa puntod ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Manila North Cemetery administrator Peter Tamondong, hindi naging sagabal sa mga tao ang banta ng bagyong Santi bagama’t umalis na ito ng bansa.
Sinabi ni Tamondong na maayos naman ang naging sistema sa pagpasok at paglabas ng mga bumibisita bunga na rin ng tulong ng mga pulis at mga volunteers ng Philippine National Police (PNP).
Ang Manila North Cemetery ang pinakamalaking pampublikong libingan sa bansa.
Nabatid kay Tamondong na maging ang mga matatalas na bagay, alak at baraha ay hindi nakaligtas sa mga nag-iinspeksyon upang matiyak na hindi magagamit ang mga ito sa anumang uri ng krimen.
Idinagdag pa ni Tamondong na 24 oras hanggang ngayon maglilibot ang kanyang mga tauhan dahil inaasahan pa rin niya ang pagdagsa ng tao ngayong All Souls Days.
Inatasan niya ang kanyang mga tauhan na ikutan ang loob ng Manila North upang masiguro na walang umaakyat sa bakod ng sementeryo na nagpupuslit ng mga kontrabando. (Doris Franche)