MANILA, Philippines - Nakatakdang maglaan si dating Presidential Peace Adviser Sonny Razon ng libreng assistance sa mga Manileño na magtutungo sa mga sementeryo sa Araw ng Mga Kaluluwa sa November 1.
Sinabi ni Razon na mayroong mga sasakyan na mag-iikot sa buong Maynila upang magbigay ng libreng sakay para sa mga Manileño na magtutungo sa South Cemetery at North Cemetery at dadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Idinagdag pa ni Razon na mamimigay din ang kanyang grupo ng libreng bottled waters at medical first aid treatment.
Ayon pa kay Razon, mayroong 12 pampasaherong jeep na mag-iikot nang libre para sa Manilenyo
Sinabi pa ng dating hepe ng Philippine National Police at ng Manila Police District na nag bitiw kamakailan bilang presidential peace adviser, na ang mga volunteer na sasama sa kanya sa Linggo (November 1) ay ang mga tao rin na nakiisa sa kanya nang magsagawa siya ng relief operations sa Maynila para sa biktima ng bagyong Ondoy.
Karamihan sa mga volunteers ni Razon ay mga miyembro ng We Are the Reason Movement, isang citizens advocacy group sa Maynila. (Ludy Bermudo)