MANILA, Philippines - Nagtatalunan na ng bakod ang mga pulitikong dating kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa lakas ng “Cory magic” na siyang ginagamit ni Senador Noynoy Aquino ngayon para kumbinsihin ang mga malalaking political kingpins sa mga probinsiya para suportahan ang kanyang kandidatura.
Dahil sa “Cory magic,” kinalimutan ng apat na magpinsang Osmeña sa Cebu na kasama si Cebu City Mayor Tomas Osmeña, dating Senador John Osmeña, dating Cebu Gov. Emilio Osmeña at dating Senador Sergio Osmeña III ang kanilang awayan sa pulitika sa probinsiya para suportahan ang pagtakbo ni Aquino.
Isa sa mga pinakaraming botante ang Cebu.
Naunang lumipat kay Aquino ang popular na TV host at aktor na si Cesar Montano na ginawang Philippine Ambassador to the Unesco ni GMA.
“Cory magic” din ang magiging isyu sa probinsiya ng Pangasinan, pangalawang pinakamalaking probinsiya sa bilang ng mga botante, dahil ang susuportahan ni Aquino na kandidato para gobernador ay si Rep. Victor Agbayani laban naman sa kakampi ni Pangulong Arroyo at ni dating Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco na si incumbent Gov. Amado Espino.
Ginamit din ni Aquino ang “Cory magic” sa probinsiyang may pinakamalaking boto sa bansa dahil lilipat na rin sa Liberal Party ni Aquino si Cavite Gov. Irineo “Ayong” Maliksi ngayong araw na ito.
Sa Mindanao, nagsama uli ang pamilyang Guingona at mga Acosta sa Bukidnon para kalabanin naman ang makinarya ni Estrada doon na hawak ni Cagayan de Oro City Vice-Mayor at dating Bukidnon Gov. Vicente Emano at Rep. Rufus Rodriguez.
Tatakbo parehong senador sa tiket ni Aquino at ni Senador Mar Roxas si Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III at si dating Rep. Nereus Acosta. (Butch Quejada)