Disqualification vs Erap madaliin - Comelec

MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Commission on Elections ang mga pre­sidentiables na nagba­balak na maghain ng disqualification case laban kay dating Pangu­long Joseph Estrada ma­daliin ang pagsasampa nito upang mapigilan ang pagtakbo nito sa 2010 elections.

Ayon kay Comelec Spokesman Jamez Jime­nez, maaari lamang legal na kuwestiyunin ang kan­didatura ni Estrada sa sandaling maghain na ito ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).

Itinakda ng Comelec sa Nobyembre 30 ang huling araw ng filing of candidacy at kinakaila­ngan na bago matapos ang Disyembre ay mai-finalize na ang pangalan ng mga tatakbong kandi­dato sa balota.

Sa panig ng Comelec, sinabi ni Jimenez na ka­ pag nagdesisyon ang poll body na isama ang kan­di­da­tura ni Estrada sa ba­lota, tiyak umano na isa­sa­ma nila ito kung  hindi kukuwestiyunin ng Supreme Court. At kung mag­pasiya naman ang Comelec na hindi isama ang pangalan ni Estrada sa kandidatong puwe­deng tumakbo ay hindi na tala­ga nila isasama kung wala din kukuwestiyon sa SC.

Tiniyak naman ni Chito Gascon, director general ng Liberal Party na wala silang balak na kuwestiyunin sa Comelec ang pagkandidato ni Estrada. 

Sinang-ayunan din ito ni Reggie Velasco, secretary general ng Lakas-CMD sa pagsasabi na hindi pag-uukulan pa ng partido ang pagkuwes­tiyon sa kandidatura ni Estrada dahil mas ma­ra­mi pa silang dapat na ga­win kaysa ipokus sa pag­hahain ng disqualification case. (Doris Franche)

Show comments