Zero tsunami alert pa ang Pinas

MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Dr. Renato Solidum Jr. na wala pang nakikitang dahilan para sa tsunami alert, kaugnay ng napaulat na malakas na paglindol na paparating na sinasabing tatama sa Metro Manila.

Sinabi ni Solidum sa isinagawang Balitaan sa Tinapayan sa Sampaloc, Maynila kahapon na may tsunami sensor sila na sa kasalukuyan ay walang nai-rekord na alert level.

Gayunman, patuloy din umano ang pagmomonitor upang agad makapag­baba ng alerto sa mamamayan.

Aniya, ang Estados Unidos ay gu­ma­gamit ng deep seas signal para ma­detect ang paparating na tsunami. May local na version din ang PHIVOLCS ng tsunami sensor dahil ang mga Scientist aniya, ay hindi rin kayang i-forecast kung kailan darating ang tsunami.

Kalimitan umanong dahilan ng pag­kakaroon ng tsunami ang lindol subalit may iba ring sanhi ito tulad ng meteor landing sa dagat o pagpapasa­bog ng bomba sa dagat. (Ludy Bermudo)

Show comments