MANILA, Philippines - Ilang kongresistang kaibigan ni dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor ang humihikayat sa kanya na kumandidatong alkalde sa Quezon City sa halalan sa susunod na taon.
Ito ang nabatid kamakailan sa isang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan pero sinabi niya na kinukulit ng mga kasamahan niya si Defensor na isa ring dating kongresista.
Pero sinabi ng impormante na nag-aalangan si Defensor.
“Mayroon siyang mga personal na konsiderasyon kaya nag-aalangan siyang tumakbo. Pero alam naming may magagawa siyang maganda sa Quezon City lalo na at laking-QC siya,” anang mambabatas.
Ibat-ibang malalaki at sensitibong posisyon na rin sa Gabinete ang pinangunahan ni Defensor tulad sa Housing Development Urban and Coordinating Council, kalihim ng Department of Environment and Natural Resources at Presidential Chief of Staff. (Butch Quejada)