Balsang PVC inindorso

MANILA, Philippines – Inindorso kahapon ni Quezon City Councilor Atty. Ariel Inton sa publiko ang paglikha ng mga balsa na yari sa mga lumang PVC pipes at iba pang mistula nang basura upang magamit na transportasyon tuwing magkakaroon ng malalaking baha tulad ng naganap na pananalasa ng bagyong Ondoy sa bansa kamakailan.

Ginawa ni Inton ang rekomendasyon makaraang mag­­­­bigay ng donasyon ang United Architects of the Philippines ng isang balsa na yari mismo sa mga PVC pipes sa pamahalaang lungsod ng Quezon City upang maging “prototype model” ng publiko.

Tinanggap ni Inton ang naturang donasyon sa ngalan ng Quezon City Council kung saan sinabi nito na maaaring sundan ito ng pamahalaan at ng publiko dahil sa higit na mas mura ito kumpara sa mga “rubber boats” at higit na makakatipid sa materyales.

Nabatid na gumastos lamang ang mga arkitekto sa kanilang paggawa ng naturang balsa ng P20,000 kung saan gumamit pa sila ng mga bagong PVC pipes habang nagkakahalaga naman ang isang rubber boat ng mula P50,000 pataas. Mas higit umano ang matitipid ng publiko kung mga lumang PVC pipes ang gagamitin sa halip na gawing basura na lamang.

Mas malaki rin umano ang maitutulong ng mga balsang PVC tuwing panahon ng kalamidad kaysa gawing “improvised shotgun o Boga” ng mga kaba­taan.

Show comments