MANILA, Philippines - Maraming grocery at pamilihan ang nahuli sa overpricing nang magsagawa ng test buy sa bahagi ng Quezon City, Makati at Muntinlupa, ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) kahapon.
Ayon kay Deputy Director for Intelligence Services, Atty. Ruel Lasala, nabisto ang mga nasabing tindahan ng mga kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) at NBI na lumalabag sa price ceiling sa pangunahing bilihin tulad ng noodles, kape, gatas at sardinas.
Mataas umano ng P.10 sentimo ang “Lucky Me” na sa halip ay P6.50 ang ceiling price, nasa P16.35 ang Blend 45 coffee (25g) na dapat ay P14.60 na ceiling price, ang sardinas na Ligo (155g) ay P11.60 na dapat umano ay P11.25. Mataas din ang presyo ng Bear Brand na dapat ay P49.75 ay ibinebenta ng P71.00.
Kabilang din sa nilibot na palengke at lumabag sa price freeze ang Bustillos Talipapa, Trabajo Market, Central Market, Quinta Market, Sampaloc Market at Blumentritt Market.
Kabilang din sa imomonitor ang presyo ng LPG, lubricants, agricultural products, construction materials at funeral services, na hindi umano dapat itaas ang presyo matapos ang pananalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng na nagtulak sa Malakanyang upang ideklara ang bansa sa state of calamity, na nagbibigay ng ‘go signal’ sa pagkontrol ng presyo ng bilihin. (Ludy Bermudo)