MANILA, Philippines - Limang pangunahing dam sa Luzon ang malapit nang umapaw kayat patu loy ang pagpapakawala dito ng tubig at malamang na mag-overflow ito kapag tumindi ang ulan na dala ng bagyong Pepeng na maaaring magbunga ng pagbaha sa mga komunidad na nasa ibaba nito.
Ang Binga dam at Ambuklao dam sa Benguet, Angat dam sa Bulacan, Pantabangan sa Nueva Ecija, at Magat dam sa Isabela ay patuloy na naglalabas ng tubig mula pa noong kasagsagan ang paghagupit ng bagyong Ondoy at malamang na magpatuloy hanggang nasa bansa pa si Pepeng, ayon kay PAGASA hydrologist Socrates Paat Jr..
Samantala, sinabi ni Edgar Manda, administrator ng Laguna Lake Development Authority na ang lawa ng Laguna ay kasalukuyang nasa 14 metro ang lalim at ilang metro na lamang ay aabutin na nito ang pinakamataas na record level na 14.5 meters noong taong 1919.
Maaari anyang tumaas pa ang tubig sa Laguna lake dahil sa ulan na lilikhain ni Pepeng. (Angie dela Cruz)