MANILA, Philippines - Dalawa pang bagyo ang nagbabantang pumasok sa Pilipinas bagaman hindi pa gaanong nakakabangon ang bansa sa delubyong inabot nito sa bagyong Ondoy.
Sinabi ni forecaster Connie Dadivas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration na dalawang tropical depression ang namimintong lumapit sa hangganan ng Pilipinas bukas o sa Huwebes.
Gayunman, sinabi ng isa pang forecaster ng Pagasa na si Joel Jesusa ang nagsabi sa isang hiwalay na panayam sa radyo na sobrang malayo pa sa ngayon ang dalawang Low Pressure Area para maapektuhan nito ang alin mang bahagi ng bansa.
Hanggang kamakalawa ng gabi, ayon sa PAGASA, patuloy na kumikilos si Ondoy palayo sa bansa at nasa layo nang 560 kilometro mula sa kanluran ng Iba, Zambales.
Sinabi pa ng Pagasa na patuloy na magbubunsod si Ondoy ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Central Luzon at Southern Luzon.
Samantala, iniutos kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na gamitin ang Malacañang bilang national relief operations center upang matulungan ang mga biktima ng baha.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na nais ni Pangulong Arroyo na gamitin na ang Palasyo bilang national relief operation center kung saan ay puwedeng pag-imbakan ng mga pagkain na puwedeng itulong sa mga biktima ng bagyong Ondoy.
Ayon pa kay Remonde, maging ang Unang pamilya ay posibleng umalis muna sa Palasyo upang magamit ang buong Malacañang bilang national relief operations center.