MANILA, Philippines - Nagbabala si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Peter Favila sa mga negosyante na mahuhuling inaabuso at nagtataas ng malaking presyo sa kanilang mga paninda ngayong “state of calamity”.
Ayon sa kalihim, papatawan nila ng pinakamabigat na parusang pagkakakulong ang mga mapagsamantalang negosyante na walang iniisip kundi ang kumita ng malaki sa pamamagitan ng pagtataas ng halaga ng kanilang mga ibinebentang produkto at mga sangkot sa “hoarding”.
Sa ilalim umano ng “state of calamity”, maaaring magdikta ng presyo ng mga paninda ang DTI sa mga negosyante at ang lalabag ay agad na kakasuhan.
Nanawagan ang kalihim sa malalaking negosyante na gumawa ng makatao at maka-Diyos na hakbang ngayon panahon ng kalamidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang tulong sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Ondoy sa halip na mag-isip ng pagsasamantala. (Danilo Garcia)