MANILA, Philippines - Umabot na sa 73 katao ang nasawi, 23 katao pa ang nawawala at mahigit sa 60 libong pamilya ang naapektuhan sa loob lamang ng siyam na oras na pananalasa ng bagyong Ondoy na nagdulot ng matinding pagbuhos ng ulan at pagbaha sa Metro Manila at karatig bayan.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, chairman ng National Coordinating Council (NDCC), sa kanyang ulat kay Pangulong Arroyo, sa naitalang rekord ganap na alas-12 ng tanghali kahapon, 59, 241 pamilya ang naapektuhan.
Mahigit naman sa 9,601 pamilya o 47,146 katao ang inilikas, habang may 280,000 katao ang nawalan ng tirahan sa Manila at limang kalapit probinsya, habang 41,000 ang inilagak sa 92 na evacuation centers.
Ayon sa PNRC, hanggang 11:30 ng umaga kahapon, umaabot sa 49 munisipalidad, 137 barangay, 4,327 pamilya, at 7,022 katao ang naitala nilang naapektuhan ng bagyo.
Naglagay na rin ang pamahalaan ng tatlong drop-off points para sa mga relief goods na ibibigay sa mga biktima ng naturang bagyo para maging systematic ang pagbagsak ng mga donations tulad ng tubig, damit, blanket at pagkain.
Ganap na alas-4 ng umaga kahapon ay namataan si Ondoy papalayo sa bansa patungong South China Sea.
Si Ondoy ang pang-15 tropical cyclone na pumasok sa bansa ngayong taon, na nagdala ng malakas na hanging sa gitna na 95 kph, kung saan kinokonsidera ng PAGASA na hindi gaanong kalakasan.
Ngunit, ayon sa PAGASA ang bagyo ay nagdala ng walang tigil na pagbuhos ng ulan sa buong Luzon at isla sa hilagang Mindoro na nagdulot ng pagbaha.
Umabot sa kabuuang P410.6 millimeters (16 inches) ang pagbuhos ng ulan, tinalo ang dating rekord nito sa isang araw na 334 millimeters noong Hulyo 1967.