MANILA, Philippines - Nakauwi na kahapon sina Pangulong Gloria Arroyo at kontrobersiyal na si Foreign Affairs Secretary Albero Romulo kasama ang 121 overseas Filipino workers mula sa official trip nito sa tatlong bansa.
Sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration, dakong alas-4:15 ng hapon nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang Pangulo bitbit ang 121 Pinoy workers na tumakas sa kanilang amo at nasasangkot sa iba’t ibang kaso, partikular na ang pagmamaltrato sa Saudi.
Sinabi ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon, naiproseso ang repatriation ng nasabing mga OFWs matapos na makipag-usap si Mrs. Arroyo sa Saudi government.
Una ng iniutos ng Pangulo kay Labor Secretary Marianito Roque na pabilisin ang mga travel papers ng mga OFWs para tuluyan ng makauwi sa Pilipinas at makapiling ang kanilang pamilya. Pinoproseso na rin ang pag-uwi ng 100 pang OFWs na naiwan sa Saudi at nakatira sa Khandara bridge.
Makakauwi lang ang mga stranded OFWs sa oras na magbigay ng exit permit ang kani-kanilang mga employers kung saan ito ang nakakapag-paantala sa kanila. (Butch Quejada/Ellen Fernando)