MANILA, Philippines - Personal na nagtungo ang mga kapatid ni Edgar Bentain sa Department of Justice upang hilingin na atasan nito ang National Bureau of Investigation na imbistigahan si Senador Panfilo Lacson kaugnay ng naging privilege speech nito kamakailan na tumalakay sa pagkawala ng una.
Sinabi ng magkapatid na Edcel at Eddie Bentain sa kanilang liham kay Acting Justice Sec. Agnes Devanadera na, matapos ang 10 taon, ngayon la mang sila nakarinig ng mahalagang impormasyon na may kaugnayan sa pagkawala ni Edgar.
Si Bentain na dating empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang sinasabing kumuha ng video habang nagsusugal sa casino sina dating Pangulong Joseph Estrada at kaibigan nitong si Charlie “Atong” Ang. Napaulat na kinidnap si Bentain pagkatapos nito at hindi na siya nakita.
Sinabi ng mga kapatid ni Bentain na lubha silang nalungkot dahil bitin ang pagkakalahad ni Lacson sa ginawa nitong talumpati sa Senado na tumalakay din sa nangyari sa biktima.
Sinabi ni Edcel na, kung totoo ang sinasabi ni Lacson na sa Laguna pinatay si Edgar, kailangang matukoy ang eksaktong pinaglibingan sa bangkay ng kanyang kapatid para maipahukay at maipasuri ito.
Sa gayong paraan, maaari silang makapaghain ng kaso sa kung sino mang posibleng may kinalaman sa pagkamatay ng kanilang kapatid.
Bumuo na rin ng isang Task Force ang NBI na hahawak sa kaso ng pagkawala ni Bentain.
Ang Task Force Bentain ay pangungunahan ni NBI Deputy Director for Investigative Services Rickson Chiong.
Sinabi naman ni Atty. Ruel Lasala, Deputy Director for Intelligence Services ng NBI, na nagsagawa na sila ng imbestigasyon noon kaugnay sa pagkawala ni Bentain ngunit inihinto rin nila.
Sa apat na taon kasi aniya ng kanilang paghahanap kay Bentain sa buong bansa ay hindi nila ito nakita at dahil na rin sa kawalan ng impormasyon o testigo kung kaya nailagay na lang ito sa listahan ng missing person.