MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Nacionalista Party Spokesperson Gilbert Remulla na nilalangaw na ang pagdinig ng Senado sa isyu ng kontrobersyal na double insertion sa budget ng proyekto sa C5 Road na isinasangkot kay Senador Manny Villar.
Pinuna ni Remulla na sumablay at kuryente pa ang ibinibintang nina Senators Panfilo Lacson at Jamby Madrigal kay Villar kaugnay ng naturang proyekto.
Matapos anya ang isang taon, 16 na pagdinig, at walang humpay na pagsubok sa pagbakbak kay Villar, wala nang masungkit na pangdiin dito sina Lacson at Madrigal.
Inihalimbawa ni Remulla ang isa pang pagdinig kahapon na, rito, lumitaw na walang bahid ng anomalya sa C5 batay sa testimonya ng kinatawan ng Adelfa properties at ng Bureau of Internal Revenue.
Idinagdag niya na, tulad sa pagdinig kahapon, marami na ang bakanteng upuan ng mga senador at mga tagamasid. “Di na rin kailangan ng mikropono sa session hall. Sa konti ng tao madaling magkakarinigan. Me echo pa,” sabi pa ni Remulla.
Lumalabas na puro kasinungalingan diumano ang mga akusasyon laban kay Villar na kandidatong presidente ng NP sa halalan sa 2010.
Mistula anyang nadurog na singpino ng pulbos ang mga argumento nila Lacson at Madrigal.
Naipaliwanag ng maayos ni Ginoong Anastacio Adriano, dating Chief Operating Officer ng Adelfa properties na walang bahid ng anomalya ang transaksyon sa C5. Ayon naman kay retired at dating Revenue District Officer Carmelita Bacod, nagbayad ng takdang buwis ang grupo ni Senador Villar ng maganap ang transaksyon sa mga lupang pinag-uusapan.
Kaugnay nito, iginiit ni Remulla na dapat humingi ng paumanhin sina Lacson at Madrigal kay Villar at bayaran ang pondong nagastos sa mga pagdinig sa C5.
“Kung hindi kayang mag-sorry, eh magpasalamant na lang sila kay Sen. Villar dahil sa dami ng nabiyayaan sa C5 project at umalwan ang biyahe ng mga motorista,” dagdag pa ni Remulla. (Butch Quejada)