Aquino at Roxas 'sinampal' sa mock poll

MANILA, Philippines - Mistulang malaking sampal sa tambalang ‘Noynoy-Mar” ang kumalat na mock poll result sa Club Filipino sa mismong araw ng pagtanggap ni Senador Manuel Roxas II bilang bise presidente ni Liberal Party Standard Bearer Senador Benigno Simeon ‘Noynoy” Aquino III dahil ibang presidentiable ang nangunguna sa survey.

Bago ang ginawang pagtanggap ni Roxas sa alok ni Aquino bilang running mate, ilang miyembro ng UP Political Center ang namudmod ng polyitos sa bisinidad ng Club Filipino kung saan naglalaman ng dalawang magkahiwalay na mock polls result sa dalawang kilalang unibersidad sa Pilipinas.

Ayon sa grupong UP Political Center, ang mock election sa University of the Philippines-Diliman at University of Santo Tomas ang makatotohanan kung saan namayagpag si opposition Sen. Francis “Chiz” Escudero III hindi lamang sa labas ng Metro Manila kundi sa iba pang lugar sa Norte.

Nakapaloob pa sa polyitos ang mock poll result sa Mariano Marcos State University, Batac Ilocos Norte noong Setyembre 8 hanggang 9 kung saan nakakuha si Escudero ng 33.7% mula sa 1,524 estudyante, kasunod sina Senador Manny Villar (21.12%) at pangatlo lamang si Aquino III. (Butch Quejada)

Show comments