MANILA, Philippines - Obligado na umanong magpalit ang mga kumpanya ng barko ng makabagong estilo ng lifejackets, simula sa Enero 2010.
Ayon kay Maritime Industry Authority (Marina) chief Maria Elena Bautista, simula sa unang araw ng 2010 ay ipatutupad na nila ang paghihigpit sa pagbabawal na ipagamit pa ang makalumang lifejackets na de-tali, bagkus ay ang ‘snap-on’ type na lifejackets na ang dapat na ipalit upang mas madaling isuot at gamitin, alinsunod na rin sa international safety standards.
Sa ilalim kasi aniya ng international convention, ang lifejacket ay kinakailangang madaling isuot at hindi na kailangang pag-isipan ng mga pasahero kung paano ito gagamitin.
Sinabi ni Bautista na mas matagal na ilagay at mas mahirap gamitin ang mga lumang lifejackets na ginagamit ngayon ng mga barko na iniikot pa sa likod at itatali kumpara sa mga snap-on type na wala nang itatali.
Ipatutupad din umano ang paglalagay ng ‘logo’ ng MARINA sa bawat lifejackets upang mas mabilis ang pag-inspeksiyon.
Sinabi pa ni Bautista na ang mga lifejackets na gagamitin sa mga barko na nagbibiyahe sa gabi ay kinakailangang mayroong kasamang emergency whistles at flashlights. (Ludy Bermudo/Mer Layson)