MANILA, Philippines - Si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro ang pinili kahapon ng national executive committee ng makaadministrasyong Lakas-Kabalikat ng Malayang Pilipino-Christian Muslim Democrat bilang kandidato nitong presidente sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na mayorya ng mga miyembro ng komite ang bumoto para kay Teodoro pero hindi siya nagbigay ng bilang. Gayunman, isang opisyal ng partido na tumangging magpabanggit ng pangalan ang nagsabing 42 boto ang nakuha ng kalihim samantalang lima lang ang pumabor sa katunggali nitong si Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando.
Inihayag naman ni Lakas-Kampi-CMD Secretary General Gabriel Claudio na ipararatipika sa gagawin nilang national convention ang pagkakapili ng komite kay Teodoro.
Idinagdag ni Claudio na napipisil din ng komite na maging running mate o bise presidente ni Teodoro si DILG Secretary Ronaldo Puno.
Ayon kay House Speaker Prospero Nograles na siya ring executive vice chairman ng partido, suportado si Teodoro ng 3,000 halal na opisyal sa bansa.
Sinabi ni Puno na isang matalinong hakbang ang desisyon ng National Executive Committee matapos na hirangin si Teodoro bilang standard bearer dahil pinakakuwalipikado ang kalihim na isang bar topnotcher.
Sa panig naman ni Teodoro, kumpiyansa ito na aangat na siya sa survey matapos na pormal ng hirangin ng partido bilang standard bearer sa pampanguluhan.