MANILA, Philippines - Tila may pagbabanta si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng sabihin nitong isisiwalat sa kanyang privilege speech ang lahat ng nalalaman sa pagpa tay kay Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Ito aniya ay dahil sa walang tigil ang pagbanat sa kanya nitong mga nakaraang linggo lalo na ni dating P/Senior Supt. Cezar Mancao kaya panahon na aniya para itama ang mga “facts” base na rin sa imbestigasyong ginawa niya.
Gayunman, iginiit pa rin ni Lacson na wala siyang kinalaman sa naturang kaso at maging sa Oplan Delta na sinasabi ni Mancao.
Aniya, iikot at sesentro din ang kanyang mahabang privilege speech hinggil kay dating pangulong Joseph Estrada at sa issue ng jueteng.
Kabilang pa sa mga ibubulgar ni Lacson ay ang tunay na nangyari sa sabay na pagtakbo nila ni Fernando Poe Jr., bilang pangulo noong 2004, para malinawan aniya ang taumbayan sa tunay na pagkatao ni Erap bilang dating opisyal ng gobyerno. Subalit gagawin niya ang lahat ng ito ng walang halong politika.
“Gusto ko lang maimpormahan ang publiko sino talaga si Joseph Estarada noong president, vice president at government official,” ani Lacson.