MANILA, Philippines - Inilabas na kahapon ng Korte Suprema ang kumpletong listahan at bilang ng kukuha sa 2009 Bar examination ngayong apat na linggo ng September.
Sinabi ni Bar Confidant head Atty. Ma. Cristina Layusa, umaabot sa 6,080 ang bilang ng mga examinees ngayong taon na isasagawa simula September 6,13,20 at 27 sa Dela Salle University sa Taft Ave., Manila.
Matatandaan na noong 2008 Bar Exams may kabuuang 6,550 mula sa 109 law schools sa bansa ang kumuha ng pagsusulit subalit 6,533 lamang ang pinayagan na makakuha habang ang 158 na mga examinees ang hindi sumipot sa unang araw ng pagsusulit habang ang iba ay hindi na tinapos.
Topnotcher sa 2008 Bar exams si Judy Lardizabal ng San Sebastian College-Recoletos graduate na nakakuha ng 85.70 percent.
Lumalabas na noong 2001 ang may pinakamaraming pumasa na umabot sa 32.89 percent o 1,266 mula sa kabuuang 3,849 na examinees, samantalang noong 2006 naitala ang may pinakamaraming mga aspiranteng abogado na umabot sa 6,187 ang kumuha ng bar subalit 1,893 o 30.60 ang nakapasa.
Inaasahan namang ilalabas ang resulta ng 2009 Bar exams sa Abril 2010. (Gemma Amargo-Garcia)