MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng Commission on Human Rights ang umano’y pisikal at mental na pag-abuso ng Chinese billionaire na si Ma riano Tanenglian sa kanyang kasambahay.
Pag-aaralan din ng CHR kung hihilingin sa Bureau of Immigration na maglabas ng hold-departure order laban sa suspect, ayon kay Atty. Carmelita Rosete, pinuno ng CHR Protection and Monitoring Division. Ayon kay Rosete, sinisilip ng CHR ang anggulong paglabag sa karapatang pambata at child trafficking sa kaso ni Mary Jane Sollano na nailigtas sa tahanan ni Tanenglian ng pinagsanib na puwersa ng CHR, Department of Social Welfare and Development at Quezon City Police District.
Ipinaliwanag ni Rosete na menor de edad pa lang si Sollano nang una itong kunin bilang katulong. Nang masagip, puro paltos ang mga kamay ni Sollano dahil sa mainit na tubig na ibinuhos ni Tanenglian. Nagsampa na si Sollano ng kasong maltreatment, serious illegal detention, slavery at frustrated homicide sa Department of Justice laban kay Tanenglian, sa asawa nitong si Aleta at mga anak nilang sina Maximilian at Fayette.
Idinetalye ni Sollano kung paano umano siya dumanas ng pisikal at mental na pag-abuso mula sa pamilya Tanenglian sa kanilang tahanan sa Bgy. Siena sa Quezon City mula July 2004 hanggang Aug. 10 ng taong ito.
Ayon kay Sollano, pinagbawalan siya at iba pang kasambahay na gumamit ng telepono, cellphone, tumawa, maupo sa mga upuan ng pamilya, tumingin sa labas ng bintana, manood ng TV, kumain ng anumang oras, matulog at magpahinga. (Butch Quejada)