MANILA, Philippines - Walang plano si Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro Jr., na tumakbong independent kaugnay ng nalalapit na 2010 presidential elections sa bansa.
Iginiit kahapon ni Teodoro na, kung hindi man siya ang mapiling standard bearer ng ruling Lakas-Kampi-CMD, hindi siya tatakbong independent.
Bukod kay Teodoro ay pinagpipilian rin ng administrasyon sina Vice President Noli De Castro at Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando.
Kasabay nito, sinabi ni Teodoro na irerespeto niya ang magiging desisyon ng Lakas-Kampi-CMD sa pagluluklok ng magiging pambato sa pampanguluhan na ipantatapat sa kandidato ng oposisyon.
Nang matanong naman kung ano ang kaniyang gagawin kapag hindi siya ang napiling standard bearer ng partido ng administrasyon ay sinabi nito na “Titingnan ko kung anong gagawin ko.”
Sa kasalukuyan, ayon kay Teodoro, pinag-uukulan muna niya ng pansin ang kaniyang trabaho bilang Defense chief dahil maraming dapat na tapusin sa kaniyang departamento. (Joy Cantos)