MANILA, Philippines - Walang plano ang gobyerno na magdeklara ng tigil-putukan sakaling magpatuloy muli ang usapang pakikipagkapayapaan sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front.
Sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na sasamantalahin lamang ng NPA ang tigil-putukan para manalakay sa mga pasilidad ng gobyerno at tropa.
Sa kabila nito, tiwala naman si Teodoro na maisusulong ang negosasyon para sa ikatatamo ng kapayapaan.
Sa pagtaya ng kalihim, patuloy na umaani ng tagumpay ang counter-insurgency operations ng pamahalaan sa Davao matapos na maitaboy na ang mga rebel fronts sa Compostella Valley patungo sa bahagi ng Agu-san del Sur.
Muling naudlot ang usapang-pangkapayapaan nang gawing kundisyon dito ni CPP founder Jose Maria Sison ang pagpapalaya sa mga consultant nito na nakakulong dahil sa iba’t ibang kaso tulad ng murder at kidnapping. (Joy Cantos)