MANILA, Philippines - “Ang makabayang pag kamatay ni Ninoy Aquino ay marapat dakilain sa pamamagitan ng pagsilang ng isang Bagong Pilipinas.”
Ito ang pahayag ni Bro. Eddie Villanueva, lider ng Bagong Pilipinas, Bagong Pilipino Movement at nakatakdang manguna ngayon sa komemorasyon ng araw ng kamatayan ni dating Sen. Benigno Aquino, Jr. sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.
Si Villanueva na isang Bulakenyo ay nanawagan sa lahat ng BPBPM supporters sa buong bansa na lumahok sa pambansang pagdiriwang sa patriotismo ni Ninoy ngayon August 21.
Tinatayang 10,000 BPBPM supporters sa pangunguna ni Villanueva ang magtitipon sa makasaysayang Barasoain Church sa araw na ito.
Ang pagtitipon ay tinaguriang “Sigaw ng Pilipino: Parangal ng Bulakenyo para sa Kabayanihan ni Ninoy Aquino.”
Dadalo rin sa okasyon ang mga multi-sectoral groups na kaalyado at sumusuporta sa Bangon Pilipinas Party kasama ang mga local na opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Bulacan Governor Jonjon Mendoza.
Sinabi pa ni Villanueva na sa Bulacan nila idadaos ang aktibidad dahil bayan ito ng mga bayani.
Ayon kay Villanueva, ang maramihang pagmamartsa ng taumbayan patungo sa Barasoain ay tanda ng nagkakaisang nasa ng mamamayan para sa tunay na reporma o pagbabago sa bansa.
Samantala, pangungunahan ng mga kapatid ni Ninoy na sina dating Senator Tessie Aquino-Oreta at Rep. Butch Aquino ang isang misa para sa ika-26 anibersaryo ng pagkamatay ni Ninoy ngayong alas-10:30 ng umaga sa Bay 11 ng Ninoy Aquino International Airport. (Dagdag ulat ni Butch Quejada)