MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng Concerned Artists of the Philippines at ng iba pang grupo at indibidwal sa Supreme Court na pigilin ang paggawad ng parangal sa apat kataong pinili ni Pangulong Arroyo bilang National Artist sa taong ito.
Sinabi ng CAP na hindi makatwiran ang pagpili ng Pangulo kina Jose “Pitoy” Moreno (fashion design), Francisco Bobby Manosa (Architecture), Jose Carlo Caparas (visual arts and films), at Cecille Guidote Alvarez (theater) dahil hindi kasama ang mga ito sa shortlist na isinumite ng screening committee at inirekomenda ng CCP at ng National Commission on Culture and Arts.
Pinuna pa ng mga petisyuner na hindi dumaan sa selection process ang pagtatalaga ng Pangulo ng mga bagong National Artist habang ang iba na inindorso ng CCP at NCCA ay tinanggal sa listahan.
Sinabi pa sa petisyon na lumabag si Alvarez sa Code of Ethics of a Public Officer at paglabag sa rule of selection process of national artist nang tanggapin nito ang appointment sa kanya gayong siya ang hepe ng NCCA na kasama sa screening committee.
Sinabi naman ni Salavador Bernal National Artist for Theater Design at isa sa mga petitioner na nangagamba sila sa maaaring idulot ng ginawang ito ng Pangulo dahil dinudungisan nito ang mga Pambansang Alagad ng Sining na isa sa mga itinuturing na dapat maging ehemplo ng kabataan. (Gemma Amargo-Garcia)