Sabi ni Brother Eddie: Pagkamatay ng 23 sundalo pananagutan ni Gloria

MANILA, Philippines - Ang pagkamatay ng may 23 sundalo na su­magupa sa Abu Sayyaf sa Basilan ay isang “kapa­ba­yaang kriminal” umano ni Presi­dente Gloria Arroyo bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines.

Ito ang sinabi ni Bro. Eddie Villanueva, pinuno ng good governance group na Bagong Pilipi­nas at Bagong Pilipino Movement kasabay ng pagbatikos sa maluhong paggastos ng Pangulo habang napababayaan ang pangangailangan ng mga kawal.

“Ang dugo ng mga ka­wal na ito ay nasa kamay ni Mrs. Arroyo at ng kan­yang mga kasamahan. Kasabay ng kanilang maluhong paggastos at pag-aaksaya ng salapi, nangamatay ang mga sundalong nagmamahal sa bayan dahil kulang sa mga modernong sandata at kagamitan.” Ani Villa­nueva sa isang press statement.

Idiniin ni Villanueva na dapat parangalan ang mga nasawing kawal. Binatikos ni Villanueva na ang mga maluluhong foreign trips ng Pangulo na umabot na sa halagang P2.7 billion simula pa noong 2003, ayon sa record ng Commission on Audit, habang ang military ay kapos sa pondo para bumili ng makabagong sandata at kagamitan.

Show comments