MANILA, Philippines - Bukod sa pagkakataas sa tungkulin, tumanggap din ng dagdag pang biyaya mula sa Public Safety Savings and Loan Association si Police Officer 2 Danilo Maalab na kabilang sa apat na honor guard na siyam na oras na nagbantay sa labi ni dating Pangulong Corazon Aquino habang inihahatid ito sa sementeryo noong Agosto 5.
Ito ang nabatid kahapon kay Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa na nagsabi pa na binigyan ng PSSLAI si Maalab ng bagong .45 kalibreng pistol at P10,000 cash.
Ang PSSLAI ay isang non-stock, non-profit savings at loan association para sa PNP na nagbibigay ng karagdagang pondo sa mga pulis. Bukod dito, tumanggap rin ng health care benefits si Maalab.
Sinabi ni Verzosa na ibinigay ang parangal kay Maalab sa isinagawang flag raising ceremony sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga.
Samantala, sa Camp Aguinaldo, binigyan naman ng merit medal at natata nging pagkilala ang tatlo sa honor guards sa presidential cortege ni Aquino.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Vice Chief of Staff Lt. Gen. Rodrigo Maclang, kabilang sa pinagkalooban ng naturang parangal sina Private First Class Antonio Cadiente, Airman 2nd Class Gener Laguindam at Navy Petty Officer 3 Edgardo Rodriguez.
Binigyan din ng merit medals sina PFC Rico Seno, Seaman Navy First Class Arturo Roa dilla Jr .at Airman First Class Sherwin del Rosario na siya namang nag-escort sa cortege ni Cory mula La Salle Greenhills, Mandaluyong hanggang Manila Cathedral. (Joy Cantos)