MANILA, Philippines - Dinedma lang ng Department of Health ang banta ng ilang hospital na magwelga bilang protesta laban sa bagong batas na Cheaper Medicine Act na nagbabawas nang 50 porsiyento sa presyo ng ilang pangunahing gamot sa bansa.
Sinabi kahapon ng DOH na tuloy pa rin mula sa Agosto 15 ang pagpapatupad ng batas at mahaharap sa kasong kriminal ang mga ospital na hindi kikilala sa naturang batas.
Nagbabala si DOH Secretary Francisco Duque na maaari ring bawiin nila ang accreditation sa Philhealth ng mga lalahok sa hospital holiday.
Hinimok pa ng DOH ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang mga ospital na hindi magpapatupad ng 50 kaltas ng mga gamot sa kanilang botika upang mapatawan ng kaukulang parusa.
Minaliit ng Malacañang ang banta ng mga hospital na magsagawa ng welga bilang protesta ng mga ito sa pagpapatupad ng Maximum Drug Retail Price.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na ang pagpapatupad ng MDRP sa 21 essential medicines ay para sa kabutihan ng nakakaraming Pilipino at dapat itong sundin ng mga ospital.
Ikinatwiran ng ilang hospital na marami pa silang stock ng gamot na nabili sa mataas na presyo kaya malulugi sila kapag binawasan ito ng 50 percent particular ang nakapaloob sa MDRP. (Ludy Bermudo at Rudy Andal)