MANILA, Philippines - Pumapangalawa na ang cervical cancer sa pangunahing dahilan nang pagkamatay ng mga babae sa Pilipinas at nasa 7,000 ang tinatamaan taun-taon.
Ito ang sinabi ng tanggapan ni Sen. Pia Cayetano sa gitna ng kampanya nito laban sa cervical cancer na nagmumula umano sa tinatawag na human papillomavirus (HPV) na isinasalin ng mga lalake sa kababaihan sa pamamagitan nang pakikipagtalik.
Tinatayang isang babae ang namamatay kada-dalawang minuto sa buong mundo dahil sa cervical cancer. Umaabot naman sa 500,000 bagong biktima ang naitatala taun-taon 7,000 ay mula sa Pilipinas.
Sa 7,000 Pinay na tinatamaan ng cervical cancer, 4,000 ang namamatay taun-taon o 12 ang namamatay araw-araw.
Ang mga kababaihan umanong maituturing na “high risk” o malaki ang posibilidad na tamaan ng cervical cancer ay iyong nakikipagtalik matapos ang kanilang unang menstruation; maraming sexual partners; nagkaroon ng sexually transmitted infection; nagkaroon ng lima o higit pa sa limang anak; kasalukuyan o dating smoker; at may mahinang immunity o madaling tamaan ng sakit.
Nagbabala si Cayetano na sa early stage, mahirap malaman kung sino ang may cervical cancer kaya mahalaga ang regular na pagpapakonsulta sa doctor lalo na ang pagsasailalim sa pap smear.
Kabilang sa mga sintomas na nasa advanced stage na ang cervical cancer kung dinurugo ang babae habang nasa intimate relationship (contact bleeding); pagdurugo sa pagitan ng dalawang menstruation cycles; nasasaktan sa sexual intercourse; may kakaibang vaginal discharge; leaking ng urine at dumi mula sa vagina; pagkawala ng ganang kumain at pagbaba ng timbang; fatigue; sumasakit ang pelvic, likod at binti, at bone fractures. (Malou Escudero)