MANILA, Philippines - Pararangalan ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police ang apat na honor guard na mahigit siyam na oras na tumayo sa pagbabantay sa labi ni dating Pangulong Corazon Aquino habang inihahatid ito sa Manila Memorial Park sa Parañaque mula sa Manila Cathedral kamakalawa.
Kinilala ni AFP–Public Information Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., ang tatlong sundalong honor guards na sina Army Private First Class Antonio Cadiente, Airman Second Class Gener Laguindan at Navy Petty Officer 3 Edgardo Rodriguez. Ang pulis na honor guard naman ay kinilala ni PNP Spokesman Senior Superintendent Leonardo Espina na si PO1 Danilo Maalab.
Gayunman, alinsunod sa utos ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, itinaas na rin kahapon sa PO2 ang ranggo ni Maalab.
Sinabi ni Brawner na bibigyan ng pagkilala ang lahat ng mga sundalong nakibahagi sa pagtupad ng misyon sa pagbabantay sa seguridad ng burol hanggang sa mailibing si Aquino mula noong Sabado hanggang nitong Miyerkules.
Sinabi ni Brawner na may 1,000 sundalo ang pararangalan habang natatanging pagkilala ang igagawad sa mga honor guard na nagtiis ng gutom at uhaw sa pagtayo sa ‘flat bed’ ng trak na pinaglagyan ng labi ni Aquino mula sa simula hanggang sa katapusan ng prusisyon ng libing nito.
Sinabi ni Brawner na nagpakita kasi ang mga ito ng pambihirang disiplina sa pagganap sa kanilang trabaho na nakadagdag para maging matahimik at mapuno ng dignidad ang funeral march ng kanilang dating Commander-in-Chief.
Sinabi rin ni Espina na bibigyan rin ng parangal ang lahat ng pulis na nakibahagi sa matagumpay na mission lalo na si Maalab.
Isang resolusyon ang nakatakda ring ihain ni Senator Pia Cayetano na naglalayong parangalan at kilalanin ng Senado ang apat na honor guards na nagbantay habang inihahatid si Aquino sa sementeryo.
Sinabi pa ni Cayetano na isang kilalang runner na mas mahirap ang ginawa ng apat na honor guards kumpara sa ordinaryong paglalakad o pagtakbo. (Joy Cantos at Malou Escudero)