MANILA, Philippines - Dumalaw kahapon ng madaling-araw sa burol ni dating Pangulong Corazon Aquino sa Manila Cathedral si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo makaraang lumapag ang sinakyan niyang eroplano sa paliparan pagkagaling niya sa Amerika.
Sa maliit na pinto sa gilid ng altar ng simbahan na ginagamit ng mga pari pumasok ang Pangulo at kanyang mga kasama upang makaiwas sa mga mamamahayag at kaagad na dumiretso sa kabaong ni Aquino upang bigyan ito ng huling respeto.
Ipinatigil naman ng organizer ang public viewing habang naroroon si Gng. Arroyo.
Tanging ang anak ni Aquino na si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ang tumanggap sa Pangulo sa pagdalaw nito sa labi ng kanilang ina dahil wala umano ang apat nitong mga kapatid.
Nagkamay muna bago nag-usap ng ilang minuto ang pangulo at ang senador bago muling lumapit sa kabaong ang punong-ehekutibo nang mag-isa at nanalangin bago tuluyang lumisan sa simbahan.
Tumagal lamang ng pitong minuto ang pananatili ni Pangulong Arroyo sa Manila Cathedral.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, ramdam umano ng pangulo na obligasyon nitong magtungo sa burol at nais pa sana nitong manatili nang matagal ngunit nagpasyang kaagad na lamang umalis matapos na makita ang mahabang pila ng tao na naghihintay na makasulyap sa labi ni Aquino.
“Nung malaman niya na hihinto ang pila ng mga tao, minabuti na niyang (Pres. Arroyo) tumuloy,” ayon naman kay Noynoy.
“We managed to treat each other civilly, wala naman kaming masyadong pinag-usapan. Ako’y masaya dahil natupad ko ang mga pangako ko sa aking mga magulang ‘yung tamang asal. Siguro naman ‘di ako nagkulang sa tagubilin,” dagdag pa nito. (Rudy Andal at Mer Layson)