MANILA, Philippines - Walang magiging pagtutol ang Palasyo sa panukalang gawing “bayani” si yumaong Pangulong Corazon Aquino.
Ayon kay Secretary to the Cabinet Silvestre Bello III, hindi hahadlangan ng Palasyo sakaling magkaroon ng ganitong pagsusulong sa Kongreso.
Ani Sec. Bello, mismong si Pangulong Gloria Arroyo ay nagsabi na itinuturing na isang “national treasure” si Mrs. Aquino na naging ina ng demokrasya ng bansa.
Posibleng ikonsidera ni Pangulong Arroyo ang mungkahing gawing “bayani” si Cory matapos ang isasagawang konsultasyon.
Samantala, may panukala naman ang isang Obispo na gawing santo si Cory dahil kwalipikado naman ito sa itinakdang criteria ng Simbahang Katoliko.
Sinabi ni Manila Auxillary Bishop Roderick Pabillo, pasok sa lahat ng criteria upang tanghaling santo si Cory dahil sa kanyang nagawa para sa bansa at pagiging inspirasyon ng buong mundo. (Rudy Andal)