MANILA, Philippines - Milyong tao ang inaasahang dadagsa sa libing ni dating Pangulong Corazon Aquino pagkatapos ng isang misa sa Manila Cathedral ngayong umaga.
Ililibing si Aquino sa Manila Memorial Park sa Paranaque. Itatabi siya sa puntod ng asawa niyang si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.
Naunang nakiusap ang pamilya ni Aquino sa publiko na huwag nang sumama sa libing dahil hanggang 200 katao lang ang kasya sa musoleo na paglalagakan ng labi ng dating pangulo. Maaari na lang anila na mag-abang ang mga tao sa mga kalsadang daraanan ng sasakyang maghahatid kay Aquino sa sementeryo.
Tiniyak naman kahapon ng Malacañang na makikiramay si Pangulong Arroyo sa pamilya Aquino.
Gayunman, ayon kay Secretary to the Cabinet Silvestre Bello III, wala pang pinal na desisyon kung sisilip lamang ang Pangulo sa burol ni Aquino o makikipaglibing ito.
Nasa Amerika pa ang Pangulo habang isinusulat ito pero inaasahang darating siya ngayong madaling-araw.