Full military honors kay Cory

MANILA, Philippines - Bibigyan ng ‘full military honors ‘ ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si dating Pangulong Corazon ‘Cory ‘ Aquino na sumakabilang buhay na kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni AFP spokesman Lt Col. Romeo Brawner Jr., ang pagpupugay sa dating Commander-in-Chief ay gagawin sa pamamagitan ng ‘volley of fire’ ng kanyon ng militar na gagawin kada 30 minuto at ito’y sinimulan na dakong ala-8 ng umaga kahapon.

Magtatalaga din ang AFP ng pitong sundalo kada oras upang magsilbing vigil guards sa burol ni Mrs. Aquino na idedeploy ng AFP Headqurters Support Service.

Ipinag-utos rin nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado at PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang paglalagay sa ‘half mast ‘ ng bandila ng Pilipinas sa lahat ng mga kampo ng militar at pulisya bilang pagkilala at pagbibigay galang sa yumaong kauna-unahang babaeng lider ng bansa.


Show comments