MANILA, Philippines - Maging si National Capital Region Police Office Director Roberto Rosales ay sinampahan ng reklamo sa Department of Justice dahil sa umano’y pagiging bias nito sa kaso ng pagpatay kay Ruby Rose Jimenez, kapatid ng dating beauty queen na si Rochelle Barrameda.
Ayon sa kampo ni Atty. Manuel Jimenez Jr., biyenan ni Ruby Rose, tila nagsagawa ng trial by publicity si Rosales ng agad nitong sinabi na sangkot ang pamilya Jimenez sa pagkawala at pagpatay sa biktima.
Ikinatuwiran ni Jime nez na dapat mismong korte ang magpatunay kung tunay na si Ruby Rose ang nasa loob ng steel box at nabingwit sa dagat ng Navotas noong Hunyo.
Una na rin inihayag ni Rosales na ang kaso ni Ruby ay sarado na at ito mismo ang nagtrabaho dito isang araw bago italagang NCRPO director. Sinabi din ng kritiko ni Rosales na ginamit lang nito ang kaso ng biktima para sa promosyon at ang pagpapahayag nito na siya ang susunod na director ng Philippine National Police.
Una ng nawala na parang bula si Ruby noong Marso 14, 2007 matapos ang pakikipag-away nito sa mister na si Manuel Jimenez III para sa kustodiya ng kanilang dalawang anak hanggang makita ang bangkay nito noong Hunyo 10 at Hunyo 11 ng isampa ang kasong murder ng NCRPO laban sa mga Jimenez at limang iba pa kung saan kinilala ang mga ito ng lumantad na witness na si Manuel Montero. (Butch Quejada)