MANILA, Philippines - Bumuti na muli ang kondisyon ng pangangatawan at normal na ang blood pressure ni dating pangulong Cory Aquino.
Ayon kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III, sa ngayon ay stable ang kondisyon ng kanyang ina ngunit mahigpit pa rin ang pagbabantay ng mga doctor dito.
Natutuwa din ang mga anak ni Gng. Aquino sa mga cards na ipinadadala ng mga elementary pupils para dito kaya naman idinidikit pa sa dingding ng kwarto ng dating pangulo at sa mga prutas at pagkain na dinadala naman ni dating pangulong Joseph Estrada.
Gayunman, kahit nasa ospital ang dating pangulo ay hindi naman lumiliban sa session ng Senado si Aquino.
Sinabi pa ni Noynoy na sa ngayon ang concern niya ay ang pamangking si Joshua, anak ni Kris Aquino dahil apektado ito at pumayat.
Gusto umanong maibsan ni Noynoy ang pinagdadaanan ng kanyang pamangkin na palaging kalaro ng dating pangulo lalo na kung weekend. (Malou Escudero)