MANILA, Philippines - Namatay na ang isa pang Pilipina na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong at naunang napaulat na nagkasakit ng inlufenza AH1N1 virus.
Dahil dito, pinangangambahan ang pagkalat ng isang mas nakakamatay na virus kaysa naunang “mild” o banayad lang.
Nabatid sa Department of Foreign Affairs na ang 37-anyos na Pilipina na tubong-Tarlac ay binawian ng buhay noong Lunes habang nakaratay sa United Christian Hospital sa Kowloon.
Naulila niya ang kanyang anim na buwang gulang na anak na lalaki at asawa.
Hiniling naman ng media advisor ng Overseas Workers Welfare Administration na si Romeo Pajarillo sa mga mamamahayag na huwag ng ilathala ang pangalan ng naturang Pilipina at ng asawa nito.
Noong Hunyo 28 lang dumating sa Hong Kong ang naturang Pilipina pero agad siyang nilagnat, nagkaroon ng sore throat, runny nose at diarrhea. Naospital siya noong Hulyo 7 at pagkaraan ng ilang araw, nakumpirmang meron siyang seryosong uri ng sakit na AH1N1.
Sa tulong ng DFA, nakapunta sa Hong Kong ang asawa ng biktima noong Hulyo 24 kaya nakapiling pa niya ito bago siya tuluyang binawian ng buhay.
Nabatid na ang naturang Pinay ang ikalawang tao na namatay sa AH1N1 sa HK.
Ang una ay isa ring Pilipino na nagtatrabaho naman bilang seaman.