MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ng Department of Justice si Senador Panfilo Lacson na sagutin ang kasong double murder na isinampa laban sa kanya ng pamilya ng publicist na si Salvador “Bubby” Dacer.
Ayon kay Acting Justice Secretary Agnes Devanadera, kailangan humarap si Lacson sa isasagawang preliminary investigation sa Biyernes upang magsumite ng kanyang counter-affidavit.
Matatandaan na kinasuhan ng murder ang senador ng mga anak ni Dacer na sina Emily Hungerson, Sabin Reyes, Carina Dacer at Amparo Dacer dahil sa pagkakapaslang sa kanilang ama at sa driver nitong si Emmanuel Corbito sa Cavite noong 2000.
Pinagbasehan ng reklamo ng pamilya Dacer ang sinumpaang salaysay ni dating police Senior Supt. Cesar Mancao na pinanumpaan nito sa Consul General sa New York noong Marso 23.
Dumating noong Hunyo sa Pilipinas si Mancao na ginawang testigo ng pamahalaan laban sa mga suspek sa krimen. Sumunod na bumalik sa bansa nitong buwang ito ang dati rin niyang kasama sa buwag nang Presidential Anti-Orgazed Crime Task Force na si dating Police Senior Superintendent Glenn Dumlao na suspek din sa Dacer-Corbito murder.
Nangako naman si Dumlao na ibubunyag ang lahat ng kanyang nalalaman sa Dacer-Corbito double murder case kasabay ng pagpapahayag na handa itong maging state witness sa kontrobersyal na kaso.
Hindi pa sigurado si Lacson kung haharap sa DOJ matapos siyang padalhan ng subpoena.
Ayon kay Lacson, kokonsultahin pa niya ang kanyang mga abogado kung sisiputin ang ginawang pagpapatawag sa kanya ng DOJ sa Biyernes dahil base lamang sa is pikulasyon ang naka-attach na dalawang affidavits. (Gemma Amargo-Garcia at Malou Escudero)